-- Advertisements --

Ipinawalang bisa ng Kataastaasang Hukuman ang naging bentahan ng lupa dahil sa kamalayan ng ‘buyer’ na hindi totoong may-ari ang pinagbilhan nitong ari-arian.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ang Supreme Court’s Third Division ay ikinansela ang naganap na bentahan nina Bayani Cerilla at Edward Ciacho.

Base sa Korte Suprema, ito’y bunsod nang makita o matuklasang si Ciacho ay alam na hindi naman pagmamay-ari ni Cerilla ang kanyang biniling lupa.

Ang naturang kaso ay may kinalaman partikular sa dalawang lupa sa Tacloban City na minana ni Adolfo De Guia.

Base sa impormasyon ng Supreme Court, nang mareremata na ang naturang mga ariarian dahil sa di’ nabayarang utang, humingi ng tulong si De Guia kay Cerilla na bayaran na lamang nito ang kanyang ‘mortgage’.

Bunsod nito’y nagkaroon ng ‘deed of sale’ at nailipat sa pangalan ni Cerilla ang ari-arian.

Ngunit kalauna’y nagpirmahan sila ng kasunduan upang muling ibenta ang lupa pabalik kay De Guia.

Habang pagkatapos nito’y nagkaroon muli ng panibagong kasunduan kung saa’y bibilhin ni Cerilla ang ‘properties’ ni De Guia sa halagang 15-milyon Piso sa oras lamang na matanggal ni De Guia ang mga nakatirang illegal settlers.

Nagbigay naman ito ng paunang bayad subalit nang bigong matanggal ni De Guia ang mga illegal settlers, umutang si Cerilla kay Ciacho gamit ang ari-arian bilang ‘collateral’.

Nang hindi mabayaran ang naturang utang, napagkasunduan nila na magkaroon ng bentahan ng lupa sa kondisyong hindi mailipat ang pangalan kay Ciacho, na hindi naman nasunod.

Kaya’t nang malaman ito ni De Guia, naghain siya ng kaso sa Regional Trial Court para maipawalang bisa ang naging bentahan.

Kinatigan ito ng Regional Trial Court at Court of Appeals sa pamantayang walang otoridad si Cerilla na ibenta ang mga ari-arian.

Habang pinagtibay naman ng Kataastaasang Hukuman ang naging ruling ng mga korte.

Dito ipinaliwanag ng Korte Suprema na sa ilalim ng Civil Code, ‘valid’ lamang ang bentahan kung ito’y pinagsang-ayunan ng dalawang partido.

Partikular sa kaso, walang nakitang tiyak na intensyong mailipat ni De Guia ang mga pagmamay-ari nito kay Cerilla.

Dahil rito’y ipinawalang bisa ng Korte Suprema ang naging bentahan sapagkat alam ng ‘buyer’ na hindi totoong may-ari ang kanyang pinagbilhan ng lupa.