Tinawag ni Atty. Israelito Torreon bilang ‘pawang mga marites’ ang umano’y arrest warrant laban kay Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ibinunyag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Kahapon nang sinabi ng dating kalihim na lumabas na ang arrest order laban kay Dela Rosa at agad pinayuhan ang senador na huwag ‘magpapakidnap’ at sa halip ay magpakanlung na muna siya sa Korte Suprema o iba pang local court ng bansa.
Nang makuhanan ng pahayag si Atty. Torreon nanagsisilbing legal counsel ni Dela Rosa, nalaman umano ng abogado na ang source ni Roque sa kaniang isinapublikong impormasyon ay mula sa isa niyang kaibigan.
Gayonpaman, nanindigan si Torreon na hindi pa rin ito makumpirma.
Paliwanag ng abogado, nagpadala sa kaniya ng mensahe si Atty. Roque kaugnay sa warrant laban sa kaniyang kliyente.
Ngunit dahil hindi pa rin umano makausap ni Torreon ang dating kalihim, nananatili aniyang second information pa rin ang kanilang pinagkukuhanan ng impormasyon.
Nang tanungin din ni Torreon ang dating kalihim kung may confirmation, wala din umanong maibigay na confirmation sa kaniya, sa kabila ng paggigiit ni Roque na mayroong kumpirmasyon.
Una nang pinanindigan ng abogado na hindi nagtatago ang kaniyang kliyente at nananatili siya sa Pilipinas, sa kabila ng ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na warrant of arrest laban sa kaniya, isang buwan na ang nakakalipas.
Giit ni Torreon, dapat ay malinaw kung paano ang pagtrato ng gobiyerno ng Pilipinas, sakali mang mayroon na talagang arrest order laban kay Bato. Kung mabigyang-linaw ang ipapatupad na procedure aniya, at mayroong akmang implementing rules and regulation, bukas aniya ang kampo ng senador sa anumang hakbang ng gobiyerno.















