KALIBO, Aklan — Handang-handa na ang Isla ng Boracay na tumanggap ng mas maraming turista ngayong Oktubre mula sa loob at labas ng bansa.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, bukod sa mga magagandang tourist spot, patok ang isla dahil sa mga beach parties, diving spot, water sports activities, masasarap na pagkain at iba pa.
Ang pagsisimula aniya ng ber months ang itinuturing na peak season sa isla dahil maliban sa mga kabataang local tourist na gustong makisaya sa pagsisimula ng Octoberfest o white beach festival, buhos rin ang mga foreign tourist kagaya ng mga Russians na nagbabakasyon tuwing winter season sa kanilang bansa upang takasan ang sobrang lamig ng panahon.
Dagdag pa ni Mayor Bautista na simula sa October 7 to 30, gabi-gabing magkakaroon ng kaliwa’t kanang kasiyahan sa isang hotel at tuwing Biyernes at Sabado ay may beach party sa kahabaan ng beach front na inorganisa ng iba pang mga hotels and resorts owner para sa kanilang mga guest.
Samantala, nananatiling mahigpit na ipinatutupad ang rules and regulations sa Boracay upang maiwasan na malabag ang mga batas sa isla lalo na ang pananatili sa peace and order, seguridad ng mga turista, pagkakalat ng basura at iba pa.
Sa kasalukuyan, inaasahan ng LGU-Malay na tataas pa ang tourist arrival sa Boracay dahil sa nalalapit na holiday season.
Sa kabilang daku, tumanggi munang magbigay ng komento ang alkalde kaugnay sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Boracay bridge na magkokonekta sa isla at mainland Malay.