-- Advertisements --

Malaki umano ang posibilidad na maiiwasan ang malalang pagbaha sa Metro Manila kung nasunod lamang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang timetable ng kanilang flood control projects.

Ayon sa state auditor, may ilang proyekto pa na hindi naipapatupad ang MMDA dahil sa kakulangan ng plano at koordinasyon sa ibang concerned agencies at stakeholders.

Aabot ng P1.1 billion ang flood control projects ng MMDA noong 2019, ngunit ayon sa report ng COA, 57 out of 106 projects lamang ang natapos.

Iginiit naman ni MMDA Flood Control and Sewerage Management Office chief Baltazar Melgar na tapos na ang lahat ng kanilang flood control projects noong nakaraang taon.

Na-delay aniya noong 2019 ang release ng approval ng General Appropriations Act kaya nagkaroon sila ng election ban at hindi kaagad naumpisahan ang mga proyekto.

Ayon pa rito, kaagad inaaksyunan ng MMDA ang lahat ng kanilang natatanggap ng reklamo. Hindi raw dapat isisi sa kanila ang malawakang pagbaha na naranasan ng kalakhang Maynila noong kasagsagan ng pananalanta ni bagyong Ulysses.

Paliwanag ni Melgar, mahigit 3,000 cubic meters per secod lamang ang kaya ng Marikina ngunit ang dalang tubig ng bagyo ay aabot ng 5,000 cubic meters per second.

Sa kabila nito, kailangan umanong ikonsidera ng gobyerno na magtayo ng dam upstream at mas marami pang basins upang hindi na bumaha.