-- Advertisements --

Itinuturing pa rin ni Senadora Risa Hontiveros na mga kaalyado sa Senado sina Senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan kahit kabilang ang mga ito sa majority bloc.

Bagama’t nais ni Hontiveros na palakasin ang hanay ng oposisyon sa Senado, na dapat sana’y kabilang ang dalawang senador, nananatili aniyang magkakasangga pa rin sila—kasama ang ilang kongresista sa Kamara.

Prayoridad naman daw niya, bilang miyembro ng minority bloc, ang palakasin ang oposisyon sa labas ng Senado.

Dagdag pa ng senadora, pareho pa rin ang kanilang pananaw nina Pangilinan at Aquino sa ilang mahahalagang isyu.

Binigyang-diin ni Hontiveros na nilagdaan pa nga ng dalawa ang joint resolution ng minority bloc na nananawagan na buksan sa publiko ang lahat ng deliberasyon ng bicameral conference committee hinggil sa pambansang budget.

Una nang sinabi ni Hontiveros na proud siya na manatili sa minority bloc sa ilalim ng pamumuno ni Senate Minority Leader Vicente Sotto.

“At peace” raw siya na muling maging bahagi ng minorya, kung saan magsisilbi siya bilang Deputy Minority Leader ngayong 20th Congress, katuwang si Senador Juan Miguel Zubiri.

Sa huli, sinabi ng mambabatas na naging mabunga ang kanilang unang meeting at buo raw ang kanilang loob na mag-fiscalize at magsilbing check and balance bilang minorya sa Senado.