Inalis na ng Commission on Audit (COA) ang pananagutan ng cashier ng Don Honorio Ventura Technological State University (DHVTSU) sa Bacolor, Pampanga kaugnay sa nawawalang P2.2 milyong pondo ng paaralan noong 2015.
Nabatid na si Elsa L. Tamayo, supervising administrative officer-cashier, ay unang pinanagot sa pagkawala ng tinatayang P2,212,344.56 dahil sa umano’y pagnanakaw, matapos mapag-alamang hindi niya naideposito araw-araw ang kanyang mga koleksyon.
Ngunit sa desisyon ng COA noong Hulyo 27, 2023, ibinaba ang kanyang pananagutan sa P1,135,413.50 —ang koleksyon niya noong umaga ng Oktubre 16, 2015.
Sa kanyang apela, iginiit ni Tamayo na kasagsagan noon ng bagyong Lando at napilitan siyang manatili sa paaralan upang siguruhin ang mga mahahalagang dokumento at pondo.
Tinukoy din niya na walang ginawang roving patrol ang mga security guard kaya’t dapat ang Best Guard Security Services Philippines, Inc. aniya ang managot.
Pumabor ang COA kay Tamayo, at sinabing walang sapat na ebidensya na nagpabaya siya sa pondo. Itinuring ding makatwiran ang hindi niya pagdedeposito noong araw ng bagyo.
Tinukoy ng COA ang kapabayaan ng mga security guard na hindi nagpa-patrolya, na siyang dahilan umano kaya’t dapat panagutin ang security agency sa pagkawala ng pondo.