Ibinunyag ni Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na P100 million na lamang ang natitirang quick response fund (QRF) ng Department of Health matapos ang magkakasunod na kalamidad.
Ayon sa kalihim, humiling na sila ng karagdagang pondo sa Department of Budget and Management (DBM), katulad ng ginawa umano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD).
‘So, our quick respond fund is almost a billion ngayon nasa hundred million na lang after all the disasters kasi five hundred per year, we had a savings from a previous year so when we started this year i know we about a million and sa dami ng ni-respondihan natin….one hundred million na lang yung natitira…nang hingi na kami ng supplemental quick respond fund sa ating DBM,’ pahayag ni Herbosa sa ginanap na DOH report hospital preparedness for the big one.
Ipinaliwanag din ni Herbosa na may limitasyon ang paggamit ng QRF base sa patakaran ng Commission on Audit (COA), kung saan hindi ito maaaring galawin kung walang deklarasyon ng state of calamity.
Gayunpaman, binanggit ng kalihim na maaari nang gamitin ang pondo kahit wala pang kalamidad sa ilalim ng Republic Act No. 12287 o ang “State of Imminent Disaster” na maaaring ibatay sa datos mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, PHIVOLCS, at National Disaster Risk Reduction and Management Council.