Isinumite na ng Commission on Audit (COA) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngayong Biyernes, Setyembre 26 ang 4 na fraud audit report kaugnay sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Kabilang dito ang napunang mga proyekto sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan 1st District Engineering Office dahil sa hindi tugmang project sites, dati nang nakatayong istruktura sa mga inaprubahang lokasyon at nawawalang mga dokumento.
Ayon sa komisyon, lahat ng apat na proyekto ay natuklasang ipinatupad na sa mga lugar na iba sa nakasaad sa kanilang kontrata o hindi naman kaya’y may mga istruktura nang nakatayo bago pa man natanggap ng mga kontraktor ang kanilang notices to proceed o bago pa man simulan ang kontrata.
Kaugnay nito, ibinabala ng COA na ang modus na ito ay nakakapagpataas ng panganib ng pagkadoble o maling representasyon na kumpleto na ang proyekto kahit hindi pa kung saan ilang government engineers at private contractors ang posibleng may pananagutan sa paglabag sa procurement laws at anti-graft statutes.
May tatlong iba pang proyekto na napuna din sa fraud audit reports na ipinatupad ng Topnotch Catalyst Builders, Inc. o independently o sa pamamagitan ng joint ventures.
Ang mga indibidwal na napuna sa audit reports ay maaaring maharap sa criminal charges para sa graft and corruption, malversation and falsification of public documents at paglabag sa Government Procurement Reform Act at COA regulations.
Nilinaw naman ng audit body na ang listahan ng mga liable na indibidwal ay hindi pa pinal at maaari pang madagdagan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ang panibagong batch ng fraud audit reports ay parte ng nagpapatuloy na audit sa flood control projects ng DPWH sa Bulacan simula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2022.
Inaasahang makakatulong ito sa parallel investigation ng ICI sa uman’y maanomaliyang mga proyekto.