Ibinulgar ng Commission on Audit o COA ang apat na bagong kaso ng umano’y ‘ghost projects’ na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P350 milyon, kaugnay ng mga flood control project sa ilalim ng Department of Public Works and Highways o DPWH – Bulacan 1st District Engineering Office.
Ayon sa fraud audit report ng COA, tinukoy na ang mga proyektong ito ay itinuring na tapos na, ngunit nang inspeksyon nakita na wala namang nakatayong istruktura o kaya naman ay substandard ang pagkakagawa.
Kabilang sa mga contractor na sangkot ang SYMS Construction Trading, na may dalawang proyektong flood control sa Baliuag at Pulilan, ngunit parehong hindi natagpuan sa mismong site.
Kasama rin sa mga nasangkot ang Topnotch Catalyst Builders Inc. para sa isang riverbank protection project sa Plaridel, na wala ring aktwal na ebidensyang may proyekto sa lugar.
Gayundin ang Triple 8 Construction and Supply Inc., para sa riverwall project sa Barangay Pagala, Baliuag, na ayon sa COA, malayo sa nakasaad na completion date.
Magugunitang una nang idinawit sa pananagutan ang DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office kabilang sina District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineer Brice Hernandez, at ilang iba pang engineers. Kasama rin ang mga may-ari at opisyal ng naturang mga construction firms.
Maaaring kaharapin ng mga dating opisyal ang mga kasong graft, malversation, at falsification of documents.