Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na gumamit ang Department of Public Works and Highways (DPWH) – Region 4B (MIMAROPA) ng mahigit ₱1 bilyong pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) nang walang pahintulot.
Sa kanilang 2024 Consolidated Report on the Audit of the DRRMF, natuklasan ng COA na ginamit ng DPWH-MIMAROPA ang ₱1,009,137,037.86 sa limang slope protection projects.
Paglabag ito sa Memorandum Circular No. 110, series of 2021 ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na nagbabawal sa paggamit ng NDRRMF para sa bagong konstruksyon ng auxiliary structures tulad ng slope protection at drainage systems.
Bukod pa rito, napansin ng COA ang kakulangan o kawalan ng mga kinakailangang dokumento sa pag-apruba ng proyekto, gaya ng procurement documents, project plan, at permits. Hindi binanggit sa ulat ang lokasyon ng mga proyekto o ang mga kontratista. Isinumite ang ulat kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Chairperson ng NDRRMC, noong Agosto 28, 2025.
Binigyang-diin ng COA na ang paggamit ng NDRRMF sa mga proyektong hindi direktang may kaugnayan sa disaster response ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng gobyerno na tumugon sa mga sakuna.