Nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na may lapses sa pagpapatupad ng Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP) ng gobyerno.
Sa 2024 audit report ng COA sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ng komisyon na kabilang sa mga nakitang lapses ay ang duplication at overlapping assistance, pagbibigay ng ayuda sa mga hindi kwalipikadong indibidwal at walang humpay na pangingialam ng mga pulitiko sa inisyatibo, bilang isang uri ng electioneering.
Base sa COA, may mga benepisyaryo na makailang beses nakatanggap ng parehong ayuda mula sa magkakaibang disbursing offices sa loob ng tatlong buwan at overlapping assistance mila sa Akap at ibang programa ng DSWD.
Partikular na tinukoy sa audit report na nasa mahigit 19,000 Akap beneficiaries sa Metro Manila ang nakatanggap ng ayuda ng makailang ulit sa loob ng tatlong buwang period, kung saan nakitang problema ay ang kawalan ng kapasidad na madetect ang mga indibidwal na nakakatanggap ng ayuda mula sa magkakaibang disbursement offices.
Mayroon ding mahigit 3000 Akap beneficiaries ang nakatanggap ng ayuda kahit nabigyan na ang mga ito ng tulong mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa parehong period.
Nakasaad din sa audit report na may mga nabigyang benepisyaryo na kumikita ng above minimum wage, na lagpas sa minimum wage threshold ng Department of Labor and Employment.
Binanggit din ng komisyon ang ilang insidente kung saan ginagamit ang Akap sa pulitika, gaya na lamang sa isinagawang house-to-house interviews sa ilang lugar sa CALABARZON, kung saan sinasabi nilang kasama sila sa listahan sa pamamagitan ng referrals ng mga kongresista o party-list groups.
Lumabas din sa findings ng COA sa Davao Region ang pag-endorso ng isang congressman ng mga benepisyaryo para sa tulong pinansiyal sa pamamagitan ng Offsite Implementation na pinondohan ng Akap, na pakikialam aniya sa programa na ginagamit para sa pagsusulong ng kanilang political agenda.
Kaugnay nito, binigyang diin ng COA na malinaw na ipinagbabawal ang pakikialam ng mga pulitiko sa pagpili ng mga benepisyaryo sa ilalim ng guidelines ng DSWD.
Para naman maiwasan ang anumang kaparehong political branding, minamandato sa lahat ng Akap payout sites ang pag-display ng DSWD tarpaulins at logos.
















