LAOAG CITY – Idinaos ang Kadiwa Handog ng Pangulo sa harap ng Provincial Capitol dito sa lalawigan ng Ilocos Norte kasabay ng kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw.
Ayon kay Engr. Ma. Teresa Bacnat, Officer In Charge ng Provincial Agriculture Office, ang presyo ng bigas ay inalok sa P20 kada kilo sa sinumang interesado.
Gayunpaman, ipinaliwanag niya na 10 kilo lamang ang pinayagang bilhin ng bawat indibidwal.
Bibigyan aniya nito ng pagkakataon ang mas maraming mamamayan na makabili ng bigas sa mas murang presyo.
Kaugnay nito, inanyayahan ni Bacnat ang mga mamamayan na samantalahin ang alok na ito ng murang presyo ng bigas sa lalawigan.
Ipinaalam naman ni Engr. Jonathan Corpuz, Branch Manager ng National Food Authority – Ilocos Norte Branch, umabot sa 300 sako ng bigas na ibinenta bilang bahagi ng Handog ng Pangulo Serbisyong Sapat Para Sa Lahat.
Samantala, sinabi ni Deparment of Social Welfare and Development Assistant Secretary Irene Dumlao na apat na libong family food packs ang ipinamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo sa lalawigan kabilang ang isang libong family food packs na ipinamahagi sa mga dumalo sa kanilang programa.