-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Health (DOH) na pumalo na sa kabuuang 91 ang bilang ng mga firework-related injuries ngayong holiday season.

Huling naitala ng ahensya ang 8-taong gulang na nawalan ng index finger at thumb dahil sa whistle bomb, samantalang isang 16-taong gulang naman ang nawalan ng dalawang daliri dahil sa 5-Star na paputok.

Ayon kay DOH Spokesperson Albert Domingo, “Sure ako na yung mga batang ito ay humawak (ng paputok).”

Idinagdag niya na ang mga batang ito ay nagtamo ng active injuries, na kadalasang nangyayari kapag hinawakan ang paputok habang ito’y nakasindi.

Dahil dito mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 27, naitala sa 62 sentinel hospitals sa buong bansa ang 34% na datos, mas mababa kumpara sa nakaraang taon, kung saan umabot sa 137 ang naitalang kaso.

Batay pa sa DOH karamihan sa mga insidente ay mula sa mga bata, partikular ang nasa edad 10-14 taong gulang.

Ang pangunahing dahilan ng kanilang natamong injuries ay dulot ng paputok na 5-star, kwitis, Boga at Triangulo.

Nagpaalala naman si Domingo na ang mga indibidwal na nagtamo ng injuries mula sa paputok ay kailangang dalhin agad sa mga health professionals. Para sa first aid, nilinaw niya na ang apektadong bahagi ng katawan ay kailangang linisin ng malinis na tubig, at kung may parte ng katawan na na-amputate, dapat itong takpan ng malinis na plastic, tela, at yelo.