-- Advertisements --

Inulat ng mga awtoridad na walang lisensya bilang security guard ang umano’y suspek na pumatay sa dalawa nitong katrabaho sa Quezon City.

Ayon sa Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA), wala si Charren Caboverde ng anumang record ng License to Exercise Security Profession, na isang kinakailangang dokumento para sa lahat ng security guard.

Nag-utos na rin ang PNP-SOSIA sa Regional Civil Security Unit ng Metro Manila na magsagawa ng parallel motu proprio investigation upang alamin ang kapabayaan ng kasangkot na private security personnel at ang security provider na pinagtatrabahuhan ni Caboverde.

Kung mapatunayang mayroong matinding kapabayaan, maaaring suspendihin o i-revoke ang lisensya ng security agency na tumanggap kay Caboverde.

Maalalang si Caboverde, 24, ay inaresto matapos niyang barilin at patayin sina Renato Santiago Mallo, 41, at Mark John Baguinio, 28, sa isang Car Dealership sa Commonwealth Ave., Barangay North Fairview noong Disyembre 24.