Siniguro ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kaligasan ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. sa gitna ng mga banta umano sa kaniyang buhay.
Una ng inihayag ng isa sa mga abogado ni Teves na si Atty. Toby Diokno na humaharap sa security concerns ang mambabatas na pumipigil aniya sa kaniya para makabalik sa bansa mula sa kaniyang personal trip mula sa Amerika.
Binanggit nito ang revocation ng license to own ni Teves at pagkumpiska ng mga baril, ang pagkakadawit nito bilang respondent sa patung-patong na kasong murder na inihain sa Department of Justice kaugnay sa ilang serye ng pagpatay noong 2019 at ang kamakailang pag-raid sa kaniyang mga property na nagresulta sa pagkakakumpiska umano ng mga armas.
Hindi naman kinumpirma ng Justice Secretary kung si Cong. Teves o ang kaniyang kapatid na naging kalaban sa pagka-gobernador ng yumaong Negros Oriental Governor Roel Degamo ang ikinokonsiderang masterminds sa pagpaslang sa Gobernador partikular na aniya kay Pryde Henry Teves dahil wala pang hawak na ebidenisya.
Sa kampo naman ni Teves, sinabi ng abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio na ang mga nakmpiskang mga baril mula sa isinagawang raid sa properties ni Teves ay planted lamang.