Kinumpirma ng Department of Justice na muling ipinagpatuloy na ang ikinasa nitong ‘search and retrieval operations’ sa Taal lake.
Ayon mismo kay Secretary Jesus Crispin Remulla, on-going na ulit ang paghahanap ng mga awtoridad sa naturang lawa.
Ito’y bunsod ng naranasan at manalasa ang hagupit ng habagat at masungit na lagay ng panahon dulot ng nagdaang bagyo.
Kaya’t ibinahagi ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran na muling nagpapatuloy na operasyon upang matukoy o mahanap ang umano’y labi ng mga nawawalang sabungero.
Aminado naman siyang ang pagsasagawa o pagpapatuloy ng ‘search and retrieval operations’ ay hindi nila kontrolado sapagkat ikinukunsidera din aniya ang lagay o sitwasyon ng panahon.
Isinasaalang-alang raw dito ang kaligtasan lalo na ng mga technical divers na siyang nangunguna sa pagsisid o paghahanap sa ilalim ng katubigan ng lawa.
Habang ang patungkol naman sa usapin ng malalimang pagsusuri sa mga narekober ng Philippine Coast Guard, giit niya’y hindi ito maaring madaliin.
Partikular sa DNA testing, aniya’y dadaan pa ang mga narekober na buto sa mahabang proseso matukoy lamang ang magiging resulta nito.
Plano kasi ng naturang kagawaran na isailalim sa pagsusuri ang DNA results at DNA samples ng kaanak ng mga nawawalang sabungero sakaling makuha na ang resulta nito.
Kung saan nais nilang malaman kung ang mga ito’y tutugma na siyang maaring makapagpatibay o makatulong bilang ebidensya sa isinasagawang ‘case buildup’ ng Department of Justice.
Kaugnay pa rito’y ibinahagi pa ni Secretary Remulla ang pagkakaroon ng panibagong testigo na hawak ngayon ng kagawaran.
Ito umano ang makatutulong upang mas mapagtibay ang kredibilidad ng lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’, may tunay na pangalan na Julie ‘Dondon’ Patidongan.