Iniurong ng Judicial and Bar Council (JBC) ang kanilang deliberasyon para sa bakanteng posisyon ng Ombudsman.
Una na itong itinakda sana bukas ika-19 ng Setyembre, ngunit ito ay inurong sa ika-6 ng Oktubre.
Ang pagpapaliban na ito ay naglalayong bigyan ng sapat na panahon ang mga miyembro ng JBC upang masusing pag-aralan ang mga aplikasyon para sa nasabing posisyon.
Ayon kay Atty. Camille Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema, kinakailangan ng mas mahabang panahon upang mapag-aralan at marepaso ni Senator Francis Pangilinan, ang bagong Chairperson ng Senate Committee on Justice, ang mga aplikasyon para sa Ombudsman.
Ang masusing pagrepaso na ito ay mahalaga upang matiyak na ang mapipiling nominado ay may angking husay, integridad, at kakayahan na gampanan ang tungkulin ng Ombudsman.
Nabatid na pag-urong ng orihinal na iskedyul ng deliberasyon ay hindi lamang para sa posisyon ng Ombudsman.
Saklaw din nito ang iba pang bakanteng posisyon na kasalukuyang hawak ng JBC.
Ang JBC ay may mandato na magrekomenda ng mga nominado para sa iba’t ibang posisyong panghudikatura, kaya’t ang pagpapaliban ay nagbibigay daan para sa masusing pag-aaral ng lahat ng mga aplikante.
Ang posisyon ng Ombudsman ay nabakante noong ika-27 ng Hulyo nang magretiro si Samuel Martires. Si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay may hanggang ika-25 ng Oktubre upang magtalaga ng bagong Ombudsman.
		
			
        














