Pormal nang lumagda ng tatlong-taong kontrata si Javi Gomez de Liano sa Magnolia Hotshots, mahigit isang linggo matapos makuha ng koponan ang kanyang rights mula sa Terrafirma Dyip.
Sa isang Instagram story, sinabi ni Gomez de Liano: “Home for the next 3 years,” habang naka-tag ang opisyal na account ng Magnolia.
Kasama sa post ang larawan ng kanyang pakikipagkamay kay Magnolia team manager Alvin Patrimonio, kumpirmadong magbabalik sa PBA si Javi matapos ang isang season sa Korean Basketball League bilang bahagi ng Anyang Jung Kwan Jang.
Matatandaang nakipagpalitan ang Magnolia sa Terrafirma noong Agosto 22 kung saan kinuha si Gomez de Liano kapalit ni Jerrick Ahanmisi at isang second-round pick sa nalalapit na PBA Rookie Draft sa Setyembre 7.
Dating naglaro si Javi sa Terrafirma mula 2022 hanggang 2024, at bago pa nito ay naging bahagi rin siya ng Ibaraki Robots sa Japan B.League noong 2021.
Ngayon, umaasa ang Magnolia na makakatulong si Gomez de Liano sa ilalim ng bagong head coach na si LA Tenorio, kapalit ni Chito Victolero, sa darating na ika-50 season ng PBA.
Ang kontrata ni Javi ay kasabay rin ng paghahanda ng kanyang nakababatang kapatid na si Juan Gomez de Liano, na inaasahang magiging top pick sa paparating na draft.