Kinumpirma ng Israel emergency rescuer na Magen David Adom (MDA) na napaslang ang apat na katao sa strike ng Iran sa southern Israel matapos ianunsiyo ni US President Donald Trump ang ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Dr. Shafir Botner, MDA Paramedic School Director, na nasa mismong bisinidad ng tinamaang residential building, iniulat niyang 20 iba pa ang nasugatan sa pagtama ng missile strikes ng Iran sa lugar.
Samantala, sinabi ng Israeli army na inactivate na rin nila ang sirens sa northern Israel ilang sandali bago iulat ng Iran state media ang parating na serye ng missiles mula Iran patungong Israel.
Una ng sinabi ni Trump na magiging epektibo ang ceasefire sa loob ng 24 oras simula alas-4:00 ng umaga Greenwich mean time (GMT) o alas-12 ng tanghali, oras sa Pilipinas ngayong Martes. Kung saan sisimulan ng Iran ang paghinto ng lahat ng kanilang operasyon at susundan naman ng Israel.
Bagamat hindi pa kinukumpirma ng panig ng Israel ang naturang kasunduan habang tinutulan naman ito ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi at iginiit na hihinto lamang sila sa pag-atake kapag itinigil ng Israel ang pag-atake.
Base sa opisyal na datos ng mga nasawi mula nang magsimula ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Iran noong Hunyo 13, pumalo na sa mahigit 400 katao ang napatay sa Iran habang 24 naman ang nasawi sa panig ng Israel.