-- Advertisements --

Nanawagan ang foreign ministers ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa lahat ng partido na respetuhin ang ceasefire para maiwasang lumala ang sigalot sa Middle East.

Sa isang joint statement, nagpahayag ng pagkabahala ang regional bloc sa lumalalang sitwasyon at nagpahayag din ng suporta para sa mga ginagawang pagsisikap para sa kapayapaan sa rehiyon.

Pinagtibay din ng 10-member bloc ang kanilang commitment para sa mapayapang pagresolba ng pagkakaiba at respetuhin ang soberaniya at territorial integrity ng lahat ng bansa.

Binigyang diin din ng ASEAN foreign ministers na dapat manatiling alinsunod sa international law at United Nations Charter ang lahat ng mga aksiyon.

Nagpahayag din ng suporta ang grupo para sa pandaigdigang inisyatiba sa pangunguna ng United Nation na naglalayong mapahupa ang tensiyon at masimulan ang konstruktibong pag-uusap sa pagitan ng mga sangkot na partido.

Nangako naman ang ASEAN sa pagtulong sa mga mamamayang apektado ng armed conflict.

Ginawa ng ASEAN ang pahayag kasunod ng kamakailang pinairal na ceasefire matapos ang tinawag na “12 day of war” sa pagitan ng Israel at Iran na nagsimula noong Hunyo 13, na kumitil ng mahigit 600 katao sa panig ng Iran habang 29 naman sa Israel. Nakapagtala din ng libu-libong sugatan sa dalawang magkalabang bansa.