-- Advertisements --

Nakahanda ang Italy na tumulong sakaling pumayag ang Vatican sa suhestiyon ni US President Donald Trump na mamagitan ito sa pag-uusap kaugnay sa ceasefire sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ayon sa opisina ni Prime Minister Giorgia Meloni, handa ang Italy na mag-facilitate ng contacts at makipagtulungan tungo sa kapayapaan sa Ukraine at nakikita nito bilang positibo ang sinabi ni Pope Leo XIV noong nakalipas na linggo na laging handa ang Vatican na pagkasunduin ang magkalaban at gagawin ang lahat ng paraan para mamayani ang kapayapaan.

Inihayag din ng Holy See na ang ideya ng pag-host o pag-mediate sa paguusap ay isang pag-asa sa ngayon kesa sa anumang konkretong plano.

Nauna naman ng inihayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na nakausap na niya si Meloni kung saan kabilang sa kanilang tinalakay ay ang posibleng plataporma para sa pagu-usap nila ng Russians.