LAOAG CITY – Kinumpirma ni Police Major Joseph Tayaban, ang chief of police ng PNP-Badoc na aabot sa 36 na indibiduwal ang kanilang inaresto dahil sa iligal na sabong sa Barangay Sta Cruz sa nasabing bayan.

Ayon kay Tayaban, isa umano sa mga nahuli ang konsehal ng bayan ngunit hindi na nito pinangalanan.

Sinabi nito na sa mga nakalipas na araw ay may mga natatanggap silang report hinggil sa iligal na pagsasabong.

Inihayag nito na maliban sa mga nahuli ay marami pa ang nakatakas matapos tumalon sa bakod ng lugar kung saan isinagawa ang sabong.

Nakumpiska naman nila ang maraming manok na pangsabong.

Hinggil dito, ibinunyag pa ni Tayaban na matapos nilang mahuli ang mga ito ay may mga natanggap siyang text message kung saan tila inaareglo nila ang pagkakahuli ng ilan sa mga ito.

Sa ngayon ay nasa kustudiya na ng pulisya ang mga nahuling indibiduwal.