-- Advertisements --

Patuloy na iniimbestigahan ng National Capital Region police Office (NCRPO) ang isang kakaibang insidente ng robbery sa isang Japanese restaurant sa Makati City nitong Linggo.

Ayon kay NCRPO Chief PMGen. Anthony Aberin, mayroon nang person of interest sa naturang insidente na patuloy namang hinahanap ng kanilang hanay at patuloy na inaalam kung sino at saan ang kasalukuyang pinaglalagian ng mga suspek.

Sa isang pahayag, tiniyak ng NCRPO na nagsasagawa na sila ng mas malalim na imbestsigasyon tungkol sa pangyayari at patuloy na nagrereview ng mga CCTV footages sa lugar upang mabilis na matukoy ang mga suspek.

Sa video kasi na siyang nagviral sa mga social media platforms at batay rin sa inisyal na imbestigasyon, pasado 6:35pm ng gabi nang lusubin ng mga armadong lalaki na nakasakay sa motorsiklong may plakang 531PEY ang restaurant kung saan isa dito ay nakasuot pa ng uniporme mula sa isang kilalang ride-hailing app habang ang angkas nito na nakasuot naman ng itim na jacket.

Batay sa report, kinuha ng mga suspek ang mga kagamitan ng mga customer sa kainan gaya ng mga cellphones, bags at mga high-end accessories, ngunit agad ding isinauli ng mga salarin ang mga ito sa mga may-ari maliban sa pitaka na naglalaman ng P25,000.

Bago umano ibalik ang mga ninakaw ay humingi pa ng despensa ang mga suspek at sinabing wala silang kinuha dahil akala umano ng mga suspek ay nasa loob ang isa umanong Chinese drug dealer.

Samantala, hanggang ngayon ay nagtataka pa rin angt NCRPO sa maaaring motibo ng mga suspek upang gawin ang krimen.

Hindi naman na magsasampa ng criminal case ang Japanese national na nanakawan ng malaking halaga ngunit ayon kay Aberin, magsisilbing complainant ang pulisya upang makapagsampa ng mga kaukulang kaso sa mga salarin sa insidente.

Pagtitiyak naman ng NCRPO, patuloy nilang iimbestigahan ang insidente at sisiguiruhin din na ito ay mareresolba agad sa lalong madaling panahon.