-- Advertisements --

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Czech national na pinaghahanap ng Interpol dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Iniulat ni BI Interpol Chief Peter de Guzman ang pagkaka-aresto kay Ladislav Tykva, na hinarang ng mga opisyal ng immigration sa NAIA Terminal 3 noong Setyembre 27.

Sinubukan ni Tykva na bumiyahe patungong Dubai nang matuklasan ng mga opisyal na ang kanyang pangalan ay nasa listahan ng Interpol ng mga hinihinalang wanted.

Siya ay sakop ng European arrest warrant na inilabas ng regional court sa Prague dahil sa hindi otorisadong produksyon at iba pang kaugnay na gawain sa mga narcotic at psychotropic substances at mga lason, na may pinakamataas na parusang 18 taong pagkakakulong.

Na-turn over na si Tykva sa legal division ng BI para sa deportation proceedings. 

Mananatili si Tykva sa BI Warden’s Facility habang isinasagawa ang deportation proceedings.