Posibleng isailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 ang mga probinsiya ng Aurora at Isabela, dahil sa banta ng bagyong Uwan.
Ang dalawang probinsiya ang tinitignang magiging landfall area o direktang tutumbukin ng naturang bagyo.
Paliwanag ni Weather Services chief Juanito Galang, ang dalawang probinsiya ang inaasahang unang makakaranas ng ‘super typhoon intensity’ ng naturang bagyo matapos ang inaasahang rapid intensification nito sa eastern seaboard ng bansa.
Gayunpaman, posible aniyang hindi rin malawak ang sasaklawin ng naturang wind signal.
Maaari rin aniyang hindi magtatagal ang itataas na Signal No. 5 dahil malaki ang posibilidad na tuluyang hihina ang bagyo kapag tatawid na ito sa Sierra Madre at Cordillera Mountains
Ang TCWS No. 5 ang pinakamataas na wind signal sa bansa. Kaakibat nito ang mahigit 220 km/h na lakas ng hangin na maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa mga istruktura tulad ng mga bahay, gusali, mga puno at iba pang public structures.
Mataas ang banta nito sa buhay at ari-arian, habang nagbabanta rin ang storm surge at matinding coastal flooding.
















