Napagkasunduan sa isinagawang interagency meeting kanina sa House of Representatives na luluwagan na ang health protocol para sa ikalawang State of the Nation Address ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa July 24,2023.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco hindi na kailangan sumailalim pa sa COVID-19 testing, ang mga dadalo sa araw ng SONA subalit kailangan na bakunado na ang mga ito.
Sinabi ni Velasco, kung ang indibidwal ay vaccinated na laban sa Covid-19 kailangan lamang nitong ipresinta ang kaniyang vaccination card.
Sapat na rin aniya ang primary dose ng bakuna at hindi na kailangan ang booster shots.
Dagdag pa ni Velasco, isasailalim lamang sa antigen testing ang mga indibidwal na makikitaan ng sintomas.
Habang ang mga hindi bakunado ay mangangailangan ng negative RT-PCR test result na ginawa 48-oras bago ang SONA.
Payo naman ni Velasco, huwag na lang dumalo ang mga hindi pa bakunado.
Sabi ni Velasco, mahigpit ang seguridad na ipatutupad sa araw ng SONA.
Dagdag pa ni Velasco na target nila na ipadala ang mga imbitasyon sa susunod na Linggo kaya mahalagang maisumite na ng Senado at Office of the President ang listahan ng mga bisitang kanilang iimbitahan.
Sa isinagawang inter-agency meeting, sinabi ni Velasco na dapat ay maisumite na ang guest list ngayong linggo dahil simula sa susunod na Lunes, ay magpapadala na aniya sila ng mga imbitasyon.
Ang naturang guest list din aniya ang kanilang pagbabatayan para sa bilang ng upuan na ire-reserve o ihahanda sa araw ng SONA.