-- Advertisements --

Nakahanda ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipresenta ang counter evidence kapag humarap na ang dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC) sa Setyembre 23.

Sa isang redacted document na may petsang Setyembre 2, ipinaalam ng lead defense lawyer ni dating Pangulong Duterte na si Nicholas Kaufman sa Pre-Trial Chamber 1 ang mga piraso ng ebidensiya na kaniyang isusumite para sa confirmation of charges hearings na susuporta sa mga argumento kontra sa mga dokumentong naglalaman ng mga kaso laban sa dating pangulo.

Ang notification ng defense team ay alinsunod sa Rules of Procedures and Evidence ng ICC na nagaatas sa defense na magbigay ng listahan ng mga ebidensiya sa korte nang hindi lalagpas sa 15 araw bago ang nakatakdang pagdinig.

Sa Setyembre 23 nga nakatakdang mag-umpisa ang apat na araw na confirmation of charges hearing para sa inaakusang crimes against humanity laban sa dating Pangulo ng Pilipinas.

Dito, tutukuyin ng korte kung mayroon o walang sapat na ebidensiya para sa kaso laban kay Duterte, na magiging basehan kung ipagpapatuloy ang trial.