Kinumpirma ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na maglalabas sila ng show cause order laban kay Lawrence Lubiano ng Centerways Construction.
Ito’y matapos aminin ni Lubiano sa pagdinig ng House of Representatives na nagbigay siya ng Php30M bilang donasyon sa kampanya ni Senador Francis “Chiz” Escudero noong 2022 elections.
Ayon kay Garcia, lumitaw din sa Statement of Contributions and Expenditures ni Escudero ang naturang halaga.
Si Lubiano ang unang kontratista sa 52 na kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng posibleng paglabag sa campaign finance rules.
Sa ngayon, sumulat na ang COMELEC sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang alamin kung may ugnayan ang 52 kontratista sa mga proyekto ng gobyerno.
Pagkatapos nito, isa-isang pagpapaliwanagin ang mga kontratista hinggil sa kanilang mga naging desisyon at matukoy kung sila nga ba ay government contractors.
Kapag napatunayan, ang sunod naman papadalhan ng liham ay ang mga kandidatong tumanggap ng donasyon para magbigay ng kanilang panig.
Dagdag ni Garcia, matapos magsumite ng paliwanag si Lubiano, isusunod na si Escudero na papadalhan ng lihma bilang bahagi ng case build-up ng komisyon. Dito rin kasi ibabatay kung may sapat na dahilan para magsampa ng kaso.
Samantala, sinabi ni Garcia na may siyam pang lokal na kontratista na nadagdag sa paunang listahan na may 43 lamang.
Sila umano ay nagbigay ng donasyon sa dalawang kandidato sa pagka-gobernador at dalawang kandidato sa pagka-bise gobernador noong 2022 elections.