Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mayroon nang inisyu ang International Criminal Police Organization (Interpol) na blue notice, na makakatulong para sa pag-aresto kay dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co.
Target ng inisyung blue notice na makakalap ng karagdagang mga impormasyon kaugany sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal, kaniyang lokasyon o aktibidad kaugnay sa isinasagawang criminal investigation. Habang sa oras na maisyu naman ang red notice, gagamitin ito para matunton ang lokasyon at pag-aresto ng indibidwal na wanted o isinisilbi ang sentensiya.
Sa press conference ngayong Lunes, Nobiyembre 24, natanong ang kalihim kaugnay sa ulat na posibleng nasa isang bansa si Co na walang extradition treaty sa Pilipinas.
Tugon ng kalihim na maaaring may ibang pasaporteng hawak si Co sa kaniyang pagbiyahe sa labas ng bansa at kanilang biniberipika pa kung gumagamit ito ng ibang pangalan.
Sa ngayon, hindi aniya tukoy kung saan ang eksaktong lokasyon ng dating mambabatas.
Nauna na ngang inisyuhan ng arrest warrant si Co kasama ang 17 kapwa akusado niya kaugnay sa maanomaliyang flood control projects.
















