Pormal nang hiniling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang interim release ng dating Pangulo dahil sa matagal na umanong pagkaantala at hindi maresolbang logistical issues sa pagsuri sa kakayahan niyang humarap sa paglilitis.
Ayon sa depensa sa pangunguna ni Atty. Nicholas Kaufman, kinikilala nila ang pagsisikap ng Registry sa paghahanda ng redacted materials para sa konsiderasyon ng Pre-trial Chamber.
Subalit, iginiit ng depensa na ang isyu sa kalusugan ng dating pangulo ay nauna na nilang idinulog bago pa man ang kaniyang inisyal na pagharap at dalawang request na rin para sa status conference sa isang “considerable time ” ang kanilang isinumite para matugunan ang isyu, bagay na tinutulan naman ng panig ng prosekusyon.
Iginiit din ng depensa na ipinagpaliban nang walang katiyakan ang confirmation of charges, sa kabila pa ng naunang utos ng Pre-Trial Chamber para sa maikling adjournment lamang.
Ikinatwiran din ng depensa ang logistical issues na tinukoy ng Registry na maaaring magpatagal umano sa paglilitis at ang pagkaantalang ito ay sumusuporta sa kaso para sa provisional release ng dating pangulo.
Nagrekomenda naman ang depensa ng karagdagang kondisyon para matugunan ang ilang pangamba hinggil sa posibleng paglaya ng dating pangulo, bagay na hindi isinama o na-redact sa filing.
Dapat din aniyang hindi manatili sa ICC detention facility ang dating pangulo habang isinasagawa ang proceedings sa kaniyang kalusugan lalo na at inaasahang magtatagal ito.
Kayat dapat na aniyang payagan ang interim release ng dating pangulo sa lalong madaling panahon dahil hindi na resonable ang patuloy na pagkulong sa dating pangulo.
Tiniyak naman ng depensa na hindi makakaapekto ang pagpapalaya kay Duterte sa nagpapatuloy na paglilitis.
Napaulat naman na ang host country o tatanggap na bansa sa dating pangulo para sa kaniyang interim release ay pumayag na makikipagtulungan sa Korte kabilang na ang pag-facilitate sa anumang procedures na kailangan ng Pre-Trial Chamber.
Sa kasalukuyan, wala pang inisyung ruling ang ICC sa interim release request at kasalukuyang nakabinbin ang confirmation of charges matapos hilingin ng depensa na i-adjourn indefinitely ang paglilitis dahil dumaranas umano ang dating pangulo ng cognitive impairment na makakaapekto sa kaniyang kakayahan na humarap sa paglilitis.