CAGAYAN DE ORO CITY – Mahaharap sa kasong robbery extortion at usurpation of authority ang dating graft investigator ng Ombudsman matapos mahuli sa isinagawang entrapment operation ng mga pulis sa Max Suniel St. Brgy. Carmen, lungsod ng Cagayan de Oro.
Kinilala ang suspek na si Jonathan Pineda, 47, nakatira sa Gold City, Balulang sa lungsod at nagtatrabaho bilang part time instructor sa Police Regional Training Center sa Rehiyon 10.
Sinabi ni Cogon Police Station commander PCpt. Ernesto Sanchez, inireklamo si Pineda matapos umanong mangolekta ng pera sa limang police recruits kapalit nang hindi pagsampa ng kaso sa kanila sa Ombudsman.
Dagdag pa ni Sanchez na tinakot ng suspek ang mga biktima na sasampahan ng kaso sa Ombudsman kung hindi magbibigay ng P50,000.