Reading Time: 2 minutes
greizl fernandez galario senate gcta

Idiniin ng dating bilanggo na si dating Valencia, Bukidnon Mayor Jose Galario Jr. ang mga doktor sa New Bilibid Prisons (NBP) sa isyu ng “hospital pass for sale.”

Sa pagtatanong ni Sen. Bong Go, isiniwalat ni Galario ang pangalan nina Dr. Ursinio Cenas at Dr. Ernesto Tamayo.

Ayon sa dating alkalde na isang retired policeman, nagbabayad daw sila kay Cenas, para mabigyan ng medical attention.

Nakikita raw niya sa ospital na may mga wala namang sakit na nagbabayad daw para makapanatili sa ospital kahit walang sakit.

Gayundin para makagamit ng cellphone.

dr. cenas bucor gcta
Dr. Ursinio Cenas

Sinabi pa ni Galario, na convicted sa graft case, siyam na mga drug lords daw ang kaniyang nakikita roon na matagal nang naka-confine ngunit wala namang karamdaman.

Minsan daw tumatagal ang mga drug lords na ito ng anim hanggang sa walong buwan sa ward ng ospital.

Ang Bilibid hospital ward ay kayang magkasya ang 100 pasyente.

Sa kanya pang alegasyon nasa 90% ng drug lords ay kay Dr. Cenas dumidiretso.

Nagpapabayad din umano ang mga doktor kapag may ipapasok na gamot at pagkain ang mga dumadalaw.

dr tamayo bucor bilibid senate
Dr. Ernesto Tamayo

Ibinulgar ni Galario na ilang beses siyang “naglalagay” ng P1,000 kay Dr. Cenas na umabot na sa P8,000.

Kasama ng dating alkalde na humarap sa Senado ang kanyang anak na babae na si Ms. Greizl Fernandez na nagkwento rin sa kanyang mga naoobserbahan.

Inilarawan ni Greizl kung papaano tinatanggap ng doktor ang “bayad” at inilalagay sa drawer ng table.

Pero todo tanggi sina Cenas at Tamayo sa lahat ng alegasyon.

Pero inamin ni Dr. Cenas na nagbigay ng pera si Galario na sa akala niya ay galing sa puso nito at regalo.

Aniya, tinatanggihan niya ito pero iniiwan daw sa kanyang mesa ang pera.