Aminado ang Philippine Coast Guard na hindi magiging madali ang gagawing paghahanap sa mga missing sabungero na umano’y itinapon sa Taal Lake.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, maaaring maharap ang kanilang mga technical divers sa iba’t-ibang hamon .
Nabatid na ang Taal Lake ay mayroong lalim na 170 meters habang ang pinakamalalim na kanilang sinisid ay nasa 100 meters lamang .
Batid rin ng PCG ang hindi malinaw na kalidad ng tubig sa lawa at masamang lagay ng panahon ngayon dulot ng mga pag-ulan.
Kinokonsidera rin nila ang mga aktibidad ng Bulkang Taal sa kanilang magiging paghahanap.
Matagal na rin aniya na ito ay nasa ilalim ng katubigan at marahil ay wala na ito sa lugar kung saan ito inihulog kung totoo man.
Sa kabila nito ay sinabi ng PCG na makikipag-ugnayan sila sa Philippine Navy para makatulong at mapabilis ang paghahanap sa mga sabungero na higit apat na taon nang pinaghahanap ng kanilang mga mahal sa buhay.