-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang tutulungan ang mga tauhang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay PNP spokesman P/B/Gen. Bernard Banac, pumalo na sa 67 ang mga nasa hanay nila na dinapuan ng nasabing sakit.

Ilan sa mga ito ay frontliners sa mga lugar na may umiiral na lockdown.

Maliban sa mga ito, mayroon pang mino-monitor na 74 probable at 596 suspected patients.

Nabatid na karamihan sa mga nagpositibo sa COVID-19 ay mula sa Metro Manila at mga karatig na lugar.

Bunsod nito, nag-aambagan na rin ang mga opisyal ng PNP para sa kanilang Bayanihan Fund Challenge.

Target nilang makabuo ng P200 million para idagdag sa social amelioration program ng pamahalaan.