-- Advertisements --

Kinumpirma ni U.S. Vice President JD Vance na nagpakita umano ang Russia ng “significant concessions” o pagpayag sa negosasyon upang tapusin ang digmaan sa Ukraine.

Sa isang panayam sa ”Meet the Press” nitong Linggo (araw sa Amerika), iginiit ni Vance na naging “flexible” ang Russia sa ilang pangunahing kahilingan nito, kabilang na ang pagkilala sa soberanya ng Ukraine at pagtanggi sa paglalagay ng puppet regime sa Kyiv.

Bagaman walang planong pagpupulong sa pagitan nina Russian President Vladimir Putin at Ukranian President Volodymyr Zelenskyy, binigyang-diin ni Vance na seryoso ang administrasyong Trump sa diplomasya.

Hindi rin aniya isinasantabi ang posibilidad ng panibagong mga parusa laban sa Russia.

‘No, sanctions aren’t off the table. But we’re going to make these determinations on a case-by-case basis. What do we think is actually going to exert the right kind of leverage to bring the Russians to the table,’ ani Vance.

Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Russian Foreign Minister Sergey Lavrov na iginagalang nila si U.S. President Donald Trump at hindi umano siya ginagamit ng Russia, kasabay ng paghadlang umano ng mga lider ng European Union sa kasunduan.