BUTUAN CITY – Mahaharap sa mga kasong paglabag sa sections 5 at 11 ng Article 2 sa Republic Act 9165 ang isang ina matapos itong nakunan ng pinaniniwalaang shabu kasabay sa inilunsad na buy-bust operation ng mga personahe ng Butuan City Police Station 1.

Naganap ito sa may Purok 2, Brgy. JP Rizal nitong lungsod pasado alas-dies kagabi.

Nakilala ang nahuling si Cristita Montoya, 45-anyos, single mom ng limang mga anak at residente ng Purok 1, Brgy. Haliobong sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte.

Nakuha mula sa kanyang posisyon ang tatlong sachets ng suspected shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P35,400.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Montoya na dalawang linggo na umano silang nagbebenta ng ilegal na druga para may pang-christmas party ang mga anak.