Hindi ipagbabawal ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng mga “Do It Yourself” face mask sa gitna ng hinaharap na hamon ng buong mundo sa COVID-19 pandemic.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni WHO Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe na sa kasalukuyan, nakakaranas ng global shortage sa mga mask at iba pang Personal Protective Equipment (PPE).

Bagamat hindi umano 100 porsyento ang proteksyong maibibigay ng mga improvised face mask, inihayag nitong anumang proteksyon ay mas mabuti kaysa wala talagang proteksyon kontra sa virus.

Kaugnay nito, nananawagan ang WHO sa lahat kabilang ang pribadong sektor na suportahan ang pamahalaan sa pagpo-procure ng mga PPEs para matiyak ang kaligtasan ng mga medical workers sa paggampan sa kanilang tungkulin.

Sila naman umano sa WHO ay tinutulungan rin ang pamahalaan na magkaroon pa ng access sa mga face mask at iba ang protective equipment.