-- Advertisements --

iLOILO CITY – Inanunsyo ng Malacañang na isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Iloilo City sa loob ng dalawang linggo simula ngayong araw.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, magtatagal ang MECQ sa lungsod hanggang sa darating na Oktubre 9.

Napag-alaman na mismong si Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang humiling sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na isailalim ang lungsod sa MECQ.

Sa gitna ito ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 na sa ngayon ay umaabot na sa 1,877.

Kasunod nito, nagpaalala rin ang COVID Inter-Agency Task Force na kailangang ilagay sa quarantine facilities ang mga asymptomatic at mild cases.

Pansamantala namang ipapatigil ang ang negosyo ng non-essential services kagaya ng cockfight arena, beer house, children’s amusement industries, barbershops at salon, gyms at fitness studios , testing at tutorial services, review centers, internet cafe, drive in cinemas, pet grooming business, at live events.

Ipapatupad din ang total liquor ban at curfew mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw ngunit wala namang border restrictions at patuloy ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan.

Bawal din ang mass gathering at pagsasagawa ng misa sa mga simbahan.

Samantala, nagpapasalamat si Mayor Treñas sa chairman ng Florete Group of Companies na si Dr. Rogelio Florete.

Dahil ito sa pag-donate ng 200 sako ng commercial rice sa mga mamamayan na apektado ng pandemya lalo na ang mga nasa 14 na barangay na nananatiling naka-lockdown.

Ito rin ang nagtulak sa iba pang mga negosyante na mag-donate rin ng mga relief goods at pagkain sa mga apektado ng pandemya