-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Malakanyang na suspendido na ang klase sa lahat ng antas at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno bukas Hulyo 23, 2025 sa ilang lugar sa bansa dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kabilang sa mga lugar na ito ang Metro Manila, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna, at Negros Occidental.

Gayunpaman, batay sa Memorandum Circular No. 90, ang mga ahensyang may kinalaman sa pampublikong kalusugan, seguridad, at disaster response ay mananatiling bukas at operational upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa publiko.

Ayon sa Palasyo, ang mga empleyado ng gobyerno na hindi kabilang sa mga vital services ay maaaring magtrabaho sa ilalim ng alternate work arrangements, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

Samantala, binibigyang kapangyarihan din ang mga Local Chief Executives sa ibang rehiyon na magdeklara ng localized suspension ng klase o trabaho batay sa kanilang assessment at naaayon sa batas.

Para naman sa mga pribadong kumpanya at opisina, ang desisyon ukol sa pagsuspinde ng trabaho ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa kani-kanilang mga hanay.