-- Advertisements --

Sa kulungan ang bagsak ng isang high-value individual matapos nasabat ang isang kilo ng hinihinalang shabu sa ikinasang buybust operation sa Barangay Tungod, Inabanga, Bohol.

Nangyari ang operasyon dakong alas 11:50 ng gabi noong Hulyo 17.

Nakilala ang naarestong suspek na si alyas Joshua, 22 anyos,isang grade 10 student at residente ng Brgy. Mantatao, bayan ng Calape, Bohol.

Nakumpiska mula sa posisyon nito ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 million pesos.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCapt Albert Sator, hepe ng Inabanga Municipal Police station, sinabi niya na ang naturang pag-aresto ng suspek ay resulta ng kanilang isinagawang follow-up investigation sa mga nakaraang operasyon.

Sinabi pa ni Sator na ibinunyag umano ng suspek na tagahatid lang ito ng iligal na droga mula sa Cebu City patungo sa lalawigan.

Ayon pa, sumakay ito ng taxi patungong Lapu-Lapu City bago naman mag-arkila ng bangka patungong Bohol.

Dagdag pa, inamin pa nitong anim na buwan nang pumasok sa iligal na aktibidad at hindi lang naghahatid ng droga sa Bohol kundi maging sa sa Negros Oriental at sa iba’t ibang bahagi ng Cebu.

Makapagdispose din umano ito ng isang kilo ng shabu kada-transaksyon kung saan may nakapangalan na at may lugar kung saan ito ihahatid.

Nahaharap ngayon ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, patuloy nilang pinapaigting ang seguridad sa coastal areas upang maiwasang makapasok ang anumang kontrabando sa lalawigan.

Patuloy din aniya ang kanilang imbestigasyon sa kanilang nakuhang mga lugar at pangalan at subject para sa follow-up operation.