Apektado ang nagpapatuloy na paghahanda ng ilang empleyado sa Senado para sa pagbubukas ng First Regular Session ng 20th Congress sa Lunes, Hulyo 28.
Bunsod ito ng magdamag na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha sa paligid ng Senado at iba pang lugar.
Dahil dito, hindi na nakapasok ang ilang heads at empleyado na abala sa preparasyon para sa pagbubukas ng sesyon sa Lunes — bilang paghahanda rin sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ngunit ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, kaninang umaga ay nakapagdaos na sila ng paunang pagpupulong online, at tuluy-tuloy naman daw ang kanilang ginagawang paghahanda.
Sa oras aniya na sumungit pa rin ang panahon, aabutin hanggang weekend ang kanilang pagtatrabaho, lalo na iyong mga kailangang on-site — para matiyak ang maayos na pagbubukas ng sesyon sa susunod na linggo.
Kabilang sa kanilang napag-usapan ay ang sistema ng pagtanggap ng mga bisita sa sesyon — lalo na ang pagdating ng mga ambassador at secretaries.
Aminado naman si Bantug na malaking hamon talaga ang lagay ng panahon ngayon, at kung magtutuloy-tuloy daw ito, kakailanganin nila ng mga adjustments.
Gayunpaman, sa kabila ng masamang panahon, kumpiyansa ang kalihim na mas mapaplantsa ito sa mga susunod pang araw, lalo’t magdaraos pa sila ng mga pagpupulong.