Umabot na sa 80 apektadong pamilya o kulang-kulang 200 indibidwal ang lumikas sa Barangay 327 sa Santa Cruz, Maynila upang pansamantalang manuluyan sa T. Alonzo High School, isa sa mga evacuation centers sa District 3, Lungsod ng Maynila.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Brgy. 327 Chairman Merwin San Diego, posibleng hindi na ito madagdagan bunsod na rin ng unti-unting pagbaba ng lebel ng tubig sa lugar.
Ngunit, hindi pa rin pinapayagan na makabalik ang mga residente sa kanilang lugar dahil apektado pa rin ang loob ng kanilang mga bahay — gaya ng mga tulo at sirang bubong.
Pinasok na rin kasi ng tubig-baha ang loob ng kanilang tahanan.
Ang barangay naman ang nagbigay ng pangangailangan ng kanilang nasasakupan gaya ng pagkain.
Kung kinakailangan naman daw ng gamot lalo na ng mga matatanda, ay maaari ring umalalay o umaliste ang mga opisyal ng barangay.
Samantala, nakausap din natin ang ilang mga tauhan mula sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) kung saan ina-account o kinukuha ang mga pangalan ng mga apektadong pamilya.
Kaugnay na rin aniya ito sa distribusyon ng tulong o ayuda sa mga naapektuhan ng bagyo — gaya na lamang ng kanilang mga makakain.
Sa huli, nagpaalala naman ang punong barangay sa mga apektadong residente ng kanilang barangay na patuloy na mag-ingay bunsod ng malakas na ulan.