Ilang unregistered vehicles na ang naharang ng Land Transportation Office (LTO) sa kasagsagan ng Undas exodus.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay LTO Executive Director Atty. Greg Pua Jr., sinabi nitong ngayong lingo ay ilang mga public utility vehicles na ang kanilang naharang na pawang mga unregistered o walang permit para mamasada.
Naaktuhan ang ilan sa mga ito na nagdadala ng mga pasahero sa iba’t-ibang mga ruta sa kabila ng kawalan ng permit.
Kabilang dito ang mga sasakyan na mahigit isang taon nang hindi nairerehistro at hindi sumasalang sa road worthiness check.
Ayon kay Atty. Pua Jr., kinukuha ng LTO ang plaka ng mga naturang sasakyan bilang bahagi ng technical impounding process sa mga nahaharang na sasakyan.
Maliban sa mga unregistered vehicles, marami ring naharang ang LTO na reckless drivers mula noong nagsimula ang exodus.
Marami aniya sa mga naharang ay inireklamo ng ilang pasahero sa tulong ng social media kung saan ang mga ito ay kinuhanan ng larawan at video footage.
Samantala, nagiging malaking hamon din aniya sa LTO ang mababang manpower para mabantayan sana ang lahat ng mga kakalsadahan ngayong Undas.
Bagaman marami na ang mga personnel na naipalalat sa mga kakalsadahan, aminado ang LTO executive officer na mas mababantayan sana ang reckless drivers at bumibiyaheng unregistered vehicles na naglalagay sa buhay at kaligtasan ng mga commuters at mga biyahero sa alanganin.
 
		 
			 
        















