-- Advertisements --

Nanawagan ang grupo ng mga guro na Alliance of Concerned Teachers – NCR Union para sa agarang paglalabas ng honorarium ng mga miyembro ng electoral board na nagsilbi noong May 12 midterm elections.

Ayon kay ACT-NCR union president Ruby Bernardo, libu-libo pang mga guro na nagtrabaho ng mahigit 24 oras habang ang iba ay ginugol ang sariling pera para sa pagkain at transportasyon para makapagbigay ng serbisyo sa halalan, ang hindi pa rin nakakatanggap ng kanilang honoraria mahigit isang linggo na ang nakakalipas mula noong eleksiyon.

Ikinalungkot ng grupo na pagdating sa bayad at benepisyo ng mga guro laging huli gayong nagtiis ang mga ito sa init, pagod at panganib para makapagbigay ng serbisyo sa halalan.

Subalit nauna naman ng inihayag ng Commission on Elections (Comelec) noong nakalipas na linggo na sinimulan na nito ang pamamahagi ng honorarium para sa mga guro na nagsilbing poll workers at target na makumpleto nang wala pang sampung araw matapos ang halalan.

Samantala, umapela din ang grupo na ma-exempt sa buwis ang lahat ng kompensasyon may kinalaman sa halalan at ang pagbibigay ng overtime pay sa mga guro na nag-extend ng oras sa pagsisilbi sa halalan.