Iprinesenta naman ngayong araw sa Sandiganbayan ang ilang akusadong naaresto at sumuko sa mga awtoridad.
Walo sa mga ito ang idinala sa korte kaugnay sa kasong inihain ng Office of the Ombudsman laban sa kanila na may kinalaman sa ‘substandard’ na flood control project sa Oriental Mindoro.
Isinagawa rito ang ‘booking procedures’ kung saan kinuha ang ‘fingerprints’ ng mga akusado kasabay ng inaasahang pag-isyu ng korte ng ‘commitment order’
Ang naturang kautusan kasi ang siyang magdidikta kung saan piitan mananatili ang mga akusado habang dinidinig ang kaso sa korte.
Subalit sa naganap na pagharap nila sa korte ngayong araw, ang isa sa mga ito na kinilalang si Juliet Calvo ay nakapagpiyansa pa.
Para sa pansamantalang kalayaan, nagbayad ito ng nagkakahalagang P90,000 bilang piyansa sa isang bilang ng kinakaharap na kasong graft sa ikalimang dibisyon ng Sandiganbayan.















