-- Advertisements --

Naghain ng petisyon ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP-Laban) sa Korte Suprema na nanawagan para sa manu-manong pagbibilang ng mga boto sa pagka-Senador sa nakalipas na 2025 midterm elections.

Si Atty. Israelito Torreon ang naghain ng motion for leave para sa paghahain ng supplemental petition for mandamus para sa muling pagbibilang ng Senatorial votes. Kasama din ni Atty. Torreon na naghain ng mosyon si PDP-Laban Senatorial candidate Atty. Jimmy Bondoc.

Inihayag ng partido sa kanilang petisyon na ipinapaubaya na nila sa discretion ng Kataas-taasang hukuman kung magsasagawa ng manual counting o recount alinsunod sa pagpapairal ng kaukulang elections laws.

Iginiit din ng partido na ang kanilang panawagan para sa recount ay base sa Automated Election System Act at Omnibus Election Code.

Sa ilalim aniya ng Section 31 ng Republic Act No. 9369, minamandato ang tradisyunal na manu-manong pagbibilang ng mga boto para matiyak ang malaya, tapat at mapagkakatiwalaang halalan.

Kabilang naman sa binanggit na iregularidad ng partido dahilan para hingin nila ang recount ng mga boto ay ang nadiskubreng equipment gaya ng Starlink transmission devices at solar panels sa isang pribadong tirahan sa Brgy. Buhangin, Davao City na nagpapakita ng posibleng conflict of interest.

Gayundin ang lantarang hindi pagkakatugma ng actual ballot at resibo ng boto at ang hindi pagkakasama ng mahigit 17 million senatorial votes sa tally bilang overvotes.