Hiniling ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na maglabas ng public apology si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Ito ay kung sakaling makumpirma na wala pang inilalabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Torreon: “Sana mag-public apology si Ombudsman Remulla kung ma-confirm na wala pa talaga yun.”
Giit niya, hindi biro ang naging pahayag ng Ombudsman na tila ikinagulat ng buong bansa.
“Biruin mo, buong bansa ngayon parang nakuryente dahil sa kanyang sinabi. Eh kung hindi pala totoo, baka kami pa ang maghain ng kaso laban sa kanya,” dagdag pa ni Torreon.
Kaugnay ito sa pahayag ni Remulla na nagpalabas na umano ng warrant ang ICC, bagay na pinabulaanan ng Department of Justice sa pamamagitan ni Spokesperson Polo Martinez.
Patuloy na hinihingi ng Bombo Radyo Philippines ang panig ng Ombudsman para sa karagdagang paglilinaw, at nananatiling bukas ang kanilang himpilan para sa anumang pahayag mula kay Remulla.
Ang ICC naman ay nagsabi sa Bombo Radyo na sa kanila dapat manggaling ang impormasyon, kung may anumang kautusan laban sa mga personalidad na may kaso sa ICC.















