-- Advertisements --

Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na wala pang opisyal na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Aniya, hanggang ngayon ay walang natatanggap na dokumento ang pamahalaan na magpapatunay sa sinasabing utos ng pag-aresto.

Taliwas ito sa naunang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na mayroon nang inilabas na warrant laban sa senador.

Dahil dito, hindi na muling pumasok sa Senado si dela Rosa mula nang mabanggit ang umano’y warrant, bagama’t patuloy pa rin siyang nakikita sa social media kung saan nagpo-post ng ilang larawan.

Ayon sa DILG, na-monitor pa ang senador sa iba’t ibang lugar sa bansa nitong mga nakalipas na linggo.

Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang abogado ni dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon, sa kabila ng pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo upang makuha ang kanilang panig.

Nabanggit ni dating Special Envoy to China Mon Tulfo na may hawak na raw na arrest warrant ang ICC laban kay dela Rosa at tukoy na rin umano ang kinaroroonan ng senador.

Gayunman, nananatiling walang kumpirmasyon mula sa mga ahensya ng pamahalaan hinggil dito.