-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Atty. Israelito Torreon ang mga lumalabas na resulta ng imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ukol sa public infrastructure projects ng gobiyerno.

Maaalalang nakapag-refer na ng ilang kaso laban sa maraming kongresista, contractor, dating senador, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naturang komisyon, mula noong nabuo ito noong Setyembre.

Sa isang forum na inorganisa ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan, iginiit ni Torreon, nananatiling kwestyonable ang integridad ng ICI, dahil nabuo ito sa pamamagitan ng executive order.

Ang naturang lupon aniya ay naatasang siyasatin ang korapsyong nangyayari sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ngunit marami sa mga kaalyado ng administrasyon ay sangkot din sa naturang anomalya.

Tanong ni Torreon, paano kung ang nakalkal na ebidensiya ay magtuturo sa koneksyon at pagkakasangkot ng mga kaalyado ni Pangulong Marcos?

Ang naturang tanong pa lamang aniya ay sapat nang basehan upang kuwestyunin ang kredibilidad ng ICI at ang resulta ng mga serye ng imbestigasyon nito.

Naniniwala rin ang abogado na mas mainam kung ang Senado ang magpatuloy ang imbestigasyon, basta’t mapanatiling patas ang gagawing pagsisiyasat.

Tinukoy nito ang unang Senate Blue Ribbon Committee na hinawakan ni Sen. Rodante Marcoleta bilang chairman, sa unang bahagi ng Senate investigation sa flood control. Marami na aniya ang naabot ng naturang komite bago nagkaroon ng ilang pagbabago sa committee leadership.

Paliwanag ng abogado, bagaman mainam din sanang imbestigahan ng Office of the Ombudsman ang mga nabunyag na anomalya, kuwestyonable rin ang pagkakatalaga ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa naturang opisina.