Napilitang magkansela ng pamamahagi ng educational assistance para sa mga student in crisis ang ilang payout centers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bansa.
Ito ay matapos na dagsain pa rin ito ng mga walk-in applicants na nagnanais na makatanggap ng educational assistance.
Sa kabila ito ng mahigpit na panawagan ng kagawaran na nakalaan lamang sa mga indibidwal na registered online at mayroong sms confirmation ang pamamahagi ng nasabing ayuda.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines ay iniulat ni DSWD Spokesperson, Asec. Romel Lopez na dinagsa ng mga walk-in applicants ang mga payout centers sa lalawigan ng Marinduque at Romblon.
Agad aniyang na-aksyunan ng local government unit (LGU) ang insidente nito sa Romblon, ngunit hindi na raw ito kinaya pa sa Marinduque dahilan kung bakit napilitan itong magkansela ng kanilang operasyon sa pamamahagi ng nasabing tulong at sa halip ay pinakiusapan at tinulungan nalang aniya ang mga ito na makapag-register online.
Samantala, sa kabilang banda naman ay nilinaw ni Lopez na sa kabila ng mga insidenteng ito ay naging mapayapa, maayos, at matagumpay naman daw ang naging operasyon ng DSWD sa pangkalahatang pamamahagi ng educational assistance sa buong bansa.
Magugunita na una nang sinabi ng DSWD na target nitong makapagbigay-serbisyo sa nasa 375,000 hanggang 400,000 na mga mahihirap na mag-aaral sa bansa gamit ang Php 1.5 billion na budget ng pamahalaan dito.